iBlog8: Umagang ‘Di Madalas Magisnan
25 May 2012 | UP, Diliman
Sana nag-aral din ako sa ganito kagandang unibersidad. Papayagan naman siguro ako ng mga magulang ko kung papayagan at kakayanin ng kyeme kong utak ang ganito ka-competitive na eskwelahan.
Alas-sais sa orasan, perstaym dadalo sa isang blog summit kaya napadpad ng UP Diliman, naghihintay ng oras sa pagsisimula habang nakaharap sa famous Sunken Garden. Ito’y isang malawak na parang, maaring gumulong at tumambling sa damuhan, pinalilibutan ng punong akasya at animo’y isang malawak at buhay na threadmill para sa mga taong wagas sa pagtakbo.
Maaliwalas pero walang hangin. Pawis pero magaan sa pakiramdam. Musika sa tenga ang katahimikan habang namumukadkad ang ganda ng sikat ng araw, masarap ang minsang ‘di naghahabol sa oras, iwas muna sa traffic at titingin muna sa kawalan. Ito ang buhay, paminsan masarap na mabagal.