Underconstruction ang tuwid na daan
Antipolo via Ortigas Extension to Crossing, isa na ako sa masugid na taga-subaybay sa bawat kaganapan ng kalsadang ito dahil ito ang daan ko patungong trabaho at sa tinagal-tagal kong bumi-byahe ay sadyang natatawag kong HIMALA kung ito’y maluwag daanan na bihira namang mangyari.
6am ay nakaalis na ako ng bahay. 7am pa lang ay mistula nang malawak na parking lot ang ortigas extension dahil sa bigat ng trapiko. Maulan ngunit walang bagyo. Eh kung ganito naman ang umaga, kahit pa napakaganda ng gising mo at kesehodang good music pa ang pinapakinggan mo ay malamang aabutan ka pa rin ng bad trip.
Umulan man o umaraw ay matagal nang uka-uka’t baku-bako ang mga kalsadang yan kasabay pa ang madalas na pagbaha kung saan madalas ring makakakita ng sangkaterba’t walang katapusang road sign underconstruction, hukay dito, hukay doon, the whole year round.
Sabi nga nila, wala kang mapupulot na pera basta-basta lang sa kalsada, pero sa pulitiko ang kalsada ay isa sa mga bread & butter nila. Eh nasan na nga ba ang pag-unlad? Eh di nasa bulsa nila!
At si Juan, kahit pa bumi-byahe nang higit pa sa nakatakdang oras ng pagbyahe ay nananatiling matiisin at marunong mag-adjust sa sitwasyon na sa bawat pahamon ng buhay ay patuloy na maghahanap ng paraan upang mabuhay ng marangal.